Bakit nga ba mahaba ang pagdiriwang ng Pasko sa Pilipinas?
Cultural performers dance as The Department of Tourism and the Intramuros Administration unveils the Giant Christmas Lantern inside the walled -city of Intramuros to usher-in the christmas festivities for the year. December 6, 2016 Jonathan Cellona, ABS-CBN News
MANILA- Kilala ang Pilipinas bilang isa sa mga bansang may pinakamahabang pagdiriwang ng Pasko.
Pagpasok pa lang ng Setyembre, abala na ang karamihan sa mga Pilipino sa pamimili ng mga pang-regalo sa kanilang mga kaanak at kaibigan, at sa pagdalo sa kabi-kabilang handaan.
Ayon kay Jimmuel Naval, propesor ng Philippine Studies at pop culture expert mula sa Unibersidad ng Pilipinas-Diliman, naging tradisyon na ang mahabang paghahanda at pagdiriwang ng Pasko dahil sa mga benepisyong nakukuha ng mga Pilipino dito.
“Tradisyon na yan kasi ang dami nating nakukuha sa Pasko. Madami tayong gustong mangyari pag Pasko kaya inaabangan natin ito,” ani Naval sa isang pahayag sa DZMM nitong Biyernes.
Paliwanag ni Naval, sinasamantala ng karamihan ng Pilipino ang paghahanda sa Pasko para magbigay ng mga promo upang palakasin ang kanilang mga negosyo.
Nakakatulong rin diumano ito sa mga mahihirap na nagnanais makamura ng bilihin.
“Ang mga tao mababait pag Pasko…hindi yan ginagawa pag Enero, pag Abril o Marso,” aniya.
“May magbibigay so natutuwa yung mga walang trabaho at kapos sa buhay kaya inaabangan,” dagdag pa ni Naval.
Bukod sa kabi-kabilang pamilihan, nakagawian na rin ng mga Pilipinong nasa ibang bansa na umuwi upang makasama ang kanilang mga pamilya tuwing Pasko.
“Kumbaga once a year yun. Hinihintay natin yun (Pasko) kasi after nun maghihiwa-hiwalay na naman,” ani Naval.
Binigyang diin rin ni Naval ang pagiging masiyahin ng mga Pilipino sa kabila ng mga problemang dinaranas ng bansa tulad ng mga bagyo at iba pang kalamidad.
“Yung Pasko ito yung pangsalba natin… Ito yung tumutubos dun sa lahat ng kahirapan, problema ng buhay na dumarating… Yung sa kabila nito pagdating ng Pasko okay na tayo. May biyayang darating, may grasyang darating, laging ganoon,” aniya.